SA gitna ng kabi-kabilang batikos sa mga kongresista, marami sa mga kawani ng Kamara ang ayaw muna magsuot ng uniporme sa tuwing papasok at uuwi mula sa trabaho.
Ang dahilan — takot na madamay ang mga empleyado sa galit ng mamamayan sa katiwaliang kinasasangkutan ng mga mambabatas sa Batasan.
Pag-amin ni House Speaker Faustino Dy III, bumaba ang tiwala ng publiko sa Kamara dahil sa trilyon-pisong nawala bunsod ng flood control scandal.
“Alam kong hindi madali ang sitwasyon ng Kongreso sa panahong ito. Mabigat ang hamon sa ating institusyon at maging sa bawat isa sa atin. May nabalitaan nga po ako na may mga kasamahan tayong kailangan magpalit o mag-alis ng uniporme bago pumasok dahil sa takot na mapag-initan habang nagko-commute papunta dito sa Kongreso,” wika ni Dy.
“Masakit mang tanggapin, talagang bumaba ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon. Pero ito rin ay paalala na mas kailangan nating pagbutihin ang ating trabaho at ibalik ang tiwala sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod,” dagdag ng lider ng Kamara.
Panawagan ni Dy sa mga empleyado ng Kamara, makiisa sa sabayang pagkilos para maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa Kongreso.
“Tandaan lang natin lahat: sa bawat bagyo, may araw na muling sisikat. Sa bawat gabi ng dilim, may liwanag na paparating. Laging may liwanag sa dulo ng bawat lagusan. Narito po ako ngayon upang ipaabot ang aking pasasalamat. Dahil sa kabila ng lahat, patuloy kayong naglilingkod ng may malasakit at katapatan,” aniya pa.
