LUBHANG apektado ang mga magsasakang Pinoy sa patuloy na pagbagsak sa presyo ng palay, pag-amin ni House Speaker Faustino Dy III, kasabay ng pangakong ayuda sa pagpasok ng susunod na taon.
Sa joint hearing ng dalawang komite ng Kamara, partikular na tinukoy ni Dy ang hindi bababa sa isang milyong magsasakang aniya’y bibigyan ng tig-P7,000.
“Ang pamamahagi ng cash aid ay nagpapakita ng determinasyon ni Pangulong Marcos na tugunan agad ang hirap ng mga magsasaka at isabay rito ang mga repormang pangmatagalan,” wika ng lider ng KAmara.
“Pinakiusapan din natin ang Pangulo na ang lahat ng uri ng subsidiya mula sa Department of Agriculture, tulad ng seed subsidy, ay ibigay na rin ng cash upang mas madali at mas direkta itong mapakinabangan ng ating mga magsasaka,” dugtong ng lider-kongresista.
Ang cash assistance ay alinsunod aniya sa Executive Order 93 na nagtakda ng suspensyon sa pag-angkat ng bigas bilang proteksyon sa mga lokal na magsasaka laban sa oversupply na dahilan sa likod ng pagbaba sa presyo ng palay.
Sa datos ng House Speaker, sumubsob ang presyo ng palay sa antas na P8 kada kilo – malayo sa P16 hanggang P18 na kailangan para mabawi ng mga magsasaka ang gastos.
“Kapag palugi ang benta ng palay, hindi lang kabuhayan ng magsasaka ang nanganganib kundi pati ang seguridad sa pagkain ng buong bansa.” (ROMER BUTUYAN)
