![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/08/Tondo-fire.jpg)
INATASAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang Bureau of Fire Protection (BFP) na magpatupad ng mas mahigpit na proseso sa akreditasyon ng mga volunteer fire brigades.
Ginawa ni Abalos ang pahayag matapos masagasaan ng rumespondeng fire truck ang ilang residente sa Tondo, Maynila noong Agosto 14, na ikinasawi ng isang 62-anyos na babae at ikinasugat ng walong indibidwal.
Inatasan din ng Kalihim ang BFP na bumalangkas ng mas mahigpit na alituntunin para sa akreditasyon ng mga volunteer fire brigades.
Mungkahi ni Abalos, magtakda ng mga kwalipikasyon para sa mga volunteer firefighters at fire truck drivers.
“I told the BFP chief to review thoroughly the present guidelines for accreditation, especially the qualification for drivers. Kasi kapag emergency, mabilis ang takbo ng mga sasakyan at baka maka-aksidente,” wika ni Abalos sa isang panayam.
Aniya, higit na angkop tiyaking walang record ng reckless driving o nasangkot sa aksidente ang sinumang magpipiloto ng mga trak ng bumbero – bukod pa sa pagsasailalim sa drug test at neuropsychiatric examination.
“Kung maaari, dapat mag-seminar sa mga pagsusulit sa emergency driving. Ang importante ay i-review nang maayos ang present guidelines,” giit ni Abalos.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Abalos sa pamilya ng nasawing biktima bunsod ng insidente, kasabay ng panawagan sa kinauukulang volunteer fire brigade association na magbigay ng tulong sa iba pang nasaktan.
Dagdag ng DILG chief, ang driver ng truck na kinilalang si Rodolfo Pineda, 27-anyos, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, at damage to property.