PATAY ang isang obrero habang sugatan ang tatlo niyang kasamahan nang mabagsakan ng gumuhong pader sa isang construction site sa loob ng Quezon City Hall, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Russell Grezo, 22, residente ng Old-Siargao del Norte, habang sugatan naman ang mga kasama niyang sina Erwin Ramos, 32; Joshua Garcia, 23, at Christian Mamposte, 20, pawang residente ng Quezon City.
Ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-10:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa construction site sa loob mismo ng Quezon City Hall.
Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, may ginagawang scenic elevator sa isa sa mga gusali sa loob ng compound ng city hall ang mga biktima, at habang naghuhukay ay biglang gumuho ang isang pader.
Agad na isinugod sa ospital ng mga tauhan ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga biktima, ngunit binawian ng buhay ang isa sa kanila.
Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang nangyari upang matukoy ang dahilan ng pagguho ng pader.
Kaugnay nito, inatasan ng lokal na pamahalaan ang City Engineering Department na imbestigahan ang nangyaring pagguho ng bahagi ng pader sa construction site sa Civic Center B Building ng Quezon City Hall.
Kabilang sa aalamin ang sistemang pinaiiral ng kontratista sa construction site, at kung binigyang-halaga ang aspeto ng occupational safety.