
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DAHIL sa paglabag ni Vice President Sara Duterte sa protocol ng Kamara at pag-abuso sa pribilehiyo, nagpasya ang House Committee on Good Government and Public Accountability na ilipat sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City si Undersecretary Zuleika Lopez.
Ito ang binigyan-diin ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng naturang komite bilang pagdepensa na rin sa sinasabing mabilisang pag-aalis kay Lopez sa Batasan detention center patungo sa eksklusibong piitan para sa mga kababaihan noong Sabado ng madaling araw.
“May breach of security protocols and guidelines of the House of Representatives on the conduct of visits to detained individuals. Kahit na ilang beses po tayo nanawagan sa Bise Presidente, patuloy pa rin po ang kanyang disregard and brazen non-compliance of office orders prohibiting visitors from staying overnight in the premises of the House of Representatives,” ayon pa sa House panel head.
Sa kabila aniya ng binigay na konsiderasyon kay Duterte at Lopez, inilagay umano ng dalawa sa panganib ang seguridad ng buong Kamara.
“Nilagay nila sa security risk ang buong Kongreso sa pagpupumilit ng Bise-Presidente na manirahan sa loob. May notice pa po tayong natanggap noong Biyernes – magwa-walking exercise raw si Bise Presidente sa loob ng Batasan complex,” paglalahad pa ni Chua.
“Bandang hapon ng November 22, siguro noong naging malinaw sa OSAA (Office of Sergeant-at-Arms) na mananatili ulit ang Bise Presidente sa loob ng Batasan for that night, nakatanggap po ang ating komite ng report mula sa OSAA reiterating that the continued presence of the Vice-President in the House of Representatives complex has disrupted its normal operations and has jeopardized security,” dugtong ng kongresista.
Bunsod nito, sinabi ni Chua na nagkaroon ng biglaang pagpupulong ang kanilang komite kung saan mayorya sa mga dumalong mambabatas ay bumoto pabor sa paglipat kay Lopez sa women’s correctional.
Samantala, nanawagan ang Manila solon sa publiko na huwag magpaloko sa mga diversionary tactic at drama ng kampo ng bise presidente.
“It seems na ginamit ang pagkakataon na ito upang i-distract at i-divert ang attention ng publiko palihis sa mga isyu na tinalakay natin… sadya pong pilit na tinatabunan ang mga tanong ng taumbayan ukol sa magkaibang pirma ni Kokoy Villamin sa acknowledgment receipts ng DepEd at OVP. Pati na rin sa mala-Superman na paglipad ni Edward Fajarda sa dalawampu’t-pitong lugar sa Pilipinas sa loob lamang ng isang araw,” pahayag pa ni Chua.
“Imbis na sagutin ang ating mga katanungan ay nag-stage po ng mala-siege sa loob ng Kongreso at nagpaunlak ng kung anu-anong kwento ukol sa pag-detain kay Atty. Lopez… sa bawat pagdinig po natin, patong-patong po ang mga natuklasang kababalaghang nangyari sa P612.5 million na confidential funds ng OVP at DepEd. At panawagan ko po sa taumbayan na huwag po natin hayaan na ibaon ang ating mga katanungan gamit ang mga diversionary tactics,” dugtong niya.