
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KONTING kembot pa, tuluyan nang mabubunyag ang misteryo sa likod ng P125-million confidential funds na sinasabing inubos ng Office of the Vice President sa loob lang ng 11 araw.
Pag-amin ng Gina Acosta na tumatayong special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP) sa pagdinig ng blue ribbon committee ng Kamara, siya mismo ang nagtungo sa bangko para mag-encash ng tsekeng nagkakahalaga ng P125 milyon, alinsunod sa direktiba ni Vice President Sara Duterte.
Sa testimonya ni Acosta, Disyembre 20, 2022 nang siya’y nagtungo sa sangay ng Land Bank of the Philippines (Landbank) sa Mandaluyong City para ipalit ang tseke.
Pagkatapos mag-encash, binigay niya di umano ang P125 million kay Col. Raymund Dante Lachica na lider ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Inutusan din aniya siya ng bise-presidente na ibigay kay DepEd security officer Col. Dennis Nolasco ang P37.5 million confidential funds ng kagawaran para sa first quarter ng 2023.
“Ang head of agency ang nag-instruct na i-release sa aming security officer. May approval po kay VP Inday Sara. I trust si Col. Lachica dahil tina-trust po siya ni VP Inday Sara,” tugon ni Acosta sa tanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Sa panig naman ni Edward Fajarda na nagsilbing special disbursing officer ng Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte, inamin niyang siya ang pumirma sa disbursement vouchers at certifications para sa naturang confidential funds.
Gayunpaman, nilinaw ni Fajarda na tanging si Nolasco lamang ang humawak ng pera.
“Your Honor, the funds pass through me, but all disbursements were handled by Col. Nolasco, as he was designated for confidential operations,” paliwanag ni Fajarda sa tanong ni 1-Rider partylist Rep. Rodge Gutierrez.
“Who gave him the power… as designated officer? Who is it?,” sundot ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. Jay-jay Suarez kay Fajarda.
“I was informed by VP Sara that there is a designated security officer,” ang sagot ng DepEd officer.
“So, the instruction came from VP Sara?” Paglilinaw pa ni Suarez, na sinegundahan naman ni Fajarda sa tugon na “Your Honor, VP Sara.”
Nagpahayag din si Fajarda ng kahandaan maglabas ng mga dokumento para patunayan ang kanyang mga tinuran sa pagdinig ng Kamara.