
KASONG kriminal at administratibo ang target isampa laban sa mga opisyales ng pamahalaang lungsod ng Pasay, ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio.
Sa isang press briefing sa Malacañang, hayagang tinukoy ni Casio ang alkalde ng lungsod at mga local officials na may kinalaman sa pag-iisyu ng mayor’s permit sa illegal POGO.
Pag-amin ni Casio, pinag-aaralan na rin umano ng PAOCC sa tulong ng Department of Justice (DOJ) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kasong posibleng isampa laban sa mga lokal na opisyales ng lungsod na mas kilala sa tawag na Sin City.
Anang tagapagsalita ng PAOCC, hindi magagawa mag-operate sa Pasay ng mga sinalakay na POGO kung walang permit na mula sa lokal na pamahalaan.
“We’re taking a look at the possible culpability, criminal liability of LGU officials, primarily those in the issuance of the mayor’s permit, the BPLO certificates, the business permit so to speak,” ani Casio.
Samantala, itinanggi ni Pasay City Mayor Emi Calixto ang umano’y walang basehang paratang ni Casio. Hindi rin aniya “welcome” ang POGO sa naturang lungsod.