
KASUNOD ng pagsabat sa tangkang pagpupuslit ng hindi bababa sa P0.75-milyong halaga ng Agarwood palabas ng bansa, iminungkahi ng isang mambabatas na kumakatawan sa sektor ng agrikultura ang pagpapatupad ng mga programang magbibigay proteksyon sa industriya ng high-value forest products.
Sa isang kalatas, pinapurihan din ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee ang Bureau of Customs (BOC) matapos marekober ang nasa P750,000 halaga ng Agarwood sa isang warehouse sa Pasay City kung saan nilalagak ang mga pumapasok at lumalabas na kargamento.
“We laud the BOC for its continued vigilance. While the government must continue cracking down on illegal agarwood trade, a long-term solution lies in fostering a regulated and thriving industry,” pahayag ng Bicolano solon.
“The rampant smuggling of agarwood shows that there is a huge demand for this product. Instead of allowing this illicit trade to flourish, we should focus on developing a legal, sustainable, and well-regulated agarwood industry that benefits our farmers and the economy,” dugtong niya.
Ayon kay Lee, ang Agarwood ay itinuturing na high-value forest product at endangered sa ilalim ng umiiral na batas, gayundin sa mga international conservation agreements kung saan bahagi ang Pilipinas.
Mula sa kategorya ng Aquilaria trees, kabilang ang agarwood sa mga klase ng puno na may mataas na demand lalo pa aniya’t ginagamit ang naturang rare wood sa paggawa ng pabango, insenso at ilang traditional medicine.
Bago pa man nabulilyaso ang tangkang pagpupuslit ng agarwood palabas ng bansa, una nang inihain sa Kamara ng Agri partylist ang House Bill 10320 (Agarwood Industry Development Act).
“This aims to promote the farming, harvesting, and commercialization of agarwood while ensuring the protection of wild Aquilaria trees,” paliwanag ng Agri partylist congressman sa akdang panukala.
“Our proposed measure aims to ensure that only legally cultivated trees are traded. It also offers livelihood opportunities for farmers and indigenous communities, who can legally grow agarwood on their lands while contributing to conservation efforts,” dagdag pa ng kongresista.
Naniniwala si Lee na kapag lubos na napaunlad, ang Agarwood industry ay maaaring makalikha ng 30,000 direct at indirect jobs na magtutulak sa paglago ng ekonomiya.
“We need to strike a balance between conservation and economic opportunities. Kung hindi agarang maisasabatas ang panukala nating ito, magpapatuloy ang talamak na smuggling ng agarwood, yung kanya-kanya at bara-barang pagharvest na nakakapinsala sa kalikasan, pati na ang mapagsamantalang presyuhan sa merkado,” ani Lee.
“Agarwood industry could position the Philippines as a key player in the international market. Sa dagdag na kita at oportunidad na maibubunga nito, mabibigyan ng kapanatagan ng loob ang marami nating kababayan sa pantustos sa pagkain, kalusugan at iba pang mga pangangailangan,” pahabol ng mambabatas. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)