
ANG maliit na buwanang kita ng ordinaryong pamilya, malamang hindi na magkasya matapos maglabas ng anunsyo ang Meralco kaugnay ng implementasyon ng P0.5453 per kWh na singil sa kuryente ngayong buwan ng Marso.
Sa kalatas ng Meralco, papatak na sa P11.4348 mula sa umiiral na P10.88 Kwh ang singil ng nasabing kumpanya, bunsod anila ng pagtaas ng generation cost.
Para sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWH, inaasahan ang karagdagang P109 sa March billing statement.
Paliwanag ng Meralco ang isinasagawang ‘maintenance activity’ sa Malampaya Gas Field Project mula Pebrero 4 hanggang 18 ang nagtulak sa pagtaas ng generation charge mula sa dating P6.90 sa P7.37 per kWh.
“This month’s generation charge increase would have been significantly higher, but we took the initiative to cushion the impact on the bills of our customers by coordinating with some of our suppliers to defer collection of portions of their generation costs,” pahayag ni Regulatory Management Office chief Atty. Jose Ronald Valles.