UPANG maiwasan ang aberya tulad ng karaniwang suliranin sa tuwing matatapos ang halalan, umapela si Vice President Sara Duterte sa Commission on Elections (Comelec) na ibigay ng mas maaga ang honoraria ng mga gurong mangangasiwa sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
“Baka naman, sa amin lang Comelec, from the Department of Education, mauna ‘yung bayad sa mga teachers bago ang election. Of course, bumabyahe sila, kumakain sila, and may gastusin din sila during the days na they are serving our country as part of the Boards,” ani Duterte sa kanyang talumpati sa pagpapatuloy ng 2023 National Election Summit.
“Baka lang pwedeng i-advance, or it can be a consideration for the plan for future elections na mauna ‘yung payments or ‘yung compensation para sa ating mga teachers,” dagdag pa ni Duterte na siya rin tumatayong Kalihim ng DepEd.
Higit pa sa mas maagang sahod, nanawagan din ang DepEd chief sa Comelec na tiyakin ang kaligtasan ng mga gurong magsisilbi sa araw ng halalan.
“Minsan, ang mga guro ay tinatakot ng mga mga warlord politicians at ginagawang kasangkapan sa kanilang pandaraya,” hirit pa ni Duterte, kasabay ng giit na karaniwan aniyang dumaranas ng pambabarako at pananakot ang mga guro sa mga malalayong lugar na kontrolado ng mga politikong may sariling private army.
“Alam natin na mahirap kalaban ang mga warlords na may private army. Pero kailangan nating ipakita na mas mahirap pong kalaban ang mga taong gobyerno katulad ng mga pulis at mga sundalo because they represent the government,” aniya pa.