HINDI pinalampas ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang tatlong security escorts na kasamang pumasok ng convoy ni dating Senador Manny Pacquiao sa EDSA Busway.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni PNP-HPG spokesperson Lt. Nadame Malang ang tugon ng pamunuan ng naturang sangay ng pambansang pulisya sa anila’y malinaw na pangungunsinti ng tatlong HPG personnel sa lantarang paglabag sa batas trapiko.
Katunayan aniya, Pebrero 7 pa nang sibakin sa pwesto ang tatlong hindi pinangalanang HPG personnel na nakatalang security escort ni Pacquiao.
“Our director already gave this order na ma-relieve itong mga tropa natin to give justice and leeway din doon sa investigation na kino-conduct ng ating Highway Patrol Group,” ani Malang.
Biyernes noong nakaraang linggo nang parahin ng mga tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang convoy ng tatlong sasakyan sa EDSA lane na eksklusibong inilaan para sa mga pampasadang bus.
Nang sitahin, hayagang nilaglag ng drayber ng van ang pangalan ng dating senador na kabilang sa pambato ng administrasyon sa nalalapit na halalan sa Mayo – sabay harurot palayo.
Ilang saglit pa ang lumipas, bumalik ang itim na van para akuin ang bulilyaso.
