WALANG plano ang Commission on Elections (Comelec) makisawsaw sa panibagong suspension order na inihain ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa alkalde ng Urdaneta City sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Comelec Commissioner Maria Norina Tangano Casingal, tapos na ang trabaho ng poll body. Katunayan aniya, Enero 7 pa nang isilbi ng Comelec ang one-year suspension order laban kina Urdaneta City Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno kaugnay ng kasong grave misconduct at grave abuse of authority.
Si Casingal ang Comelec Ilocos regional director nang ihain ang suspension order, limang araw bago ang takdang petsa ng Comelec ban.
Para sa Comelec official, walang dahilan para balewalain ng magpinsang Parayno ang direktiba ng Palasyo na lisanin ang tanggapan sa lokal na pamahalaan. Paglilinaw ni Casilao, Enero 3 ang petsa ng direktiba mula sa Palasyo.
Una nang napatunayan guilty ang dalawang local officials sa kasong Grave Misconduct at Grave Abuse of Authority nang illegal na patalsikin sa pwesto si Kapitan Michael Brian Perez bilang Presidente ng Liga ng mga Barangay noong 2022.
