
KALBONG kabundukan ang sinisisi ng mga kaanak ng limang indibidwal na nasawi matapos tangayin ng rumaragasang tubig baha ang sinasakyang shuttle van sa bayan ng Aborlan sa lalawigan ng Palawan.
Sa ulat ng Palawan Provincial Disaster Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang sa mga binawian ng buhay ang dalawang bata – ang 6-anyos na si Mac Jao Nasad at nakatatandang kapatid na si Jamsarie Nasad.
Kwento ng mga saksi, tinangay ng malakas na agos ng pagbaha na dulot ng mabigat ng buhos ng ulan sa kabundukan ang van na sinasakyan ng mga biktima.
Hindi rin nakaligtas ang isang Michelle Solis Acayan, driver ng van at isa pang kabilang sa mga natagpuang walang buhay ng search and rescue team.
Nananatili naman sa pagamutan ang pito pang pasaherong nagtamo ng mga galos at sugat bunsod ng trahedya.
Ayon kay Palawan PDRRMO Chief Jerry Alili, sakay ang mga biktima ng shuttle van na patungo sana sa Puerto Princesa mula sa bayan ng Bataraza, nang sumagasa ang malakas na agos ng baha sa South National highway sa hangganan ng bayan ng Aborlan.
Pag-amin ng opisyal, malaking bahagi ng lalawigan ang dumanas ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.