SA kabila ng Executive Order 74 na mas kilala sa POGO ban, patuloy ang operasyon ng mga illegal offshore gaming hubs na nasa likod ng iba’t ibang anyo ng panloloko gamit ang teknolohiya ng internet, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Gayunpaman, tiniyak ni PAOCC spokesperson Winston Casio na tukoy na ng ahensya ang aniya’y sentro ng operasyon ng mga POGO — sa katimugang bahagi ng Metro Manila kung saan aniya nakatuon ang komisyon.
Ayon kay Casio, karamihan sa target ng ahensya ay mga dating lisensyadong POGO na aniya’y tila nanghihinayang sa malaking kita kaya mas piniling ituloy ang negosyo sa paraan ng “guerilla-operation.”
Bilang patikim sa hawak na impormasyon, tinukoy ng tagapagsalita ng PAOCC ang aniya’y bugso ng mga POGO workers sa mga “entertainment centers” sa southern Metro Manila.
Paglilinaw ni Casio, hindi limitado sa southern Metro Manila ang illegal POGO. Katunayan pa anang PAOCC spokesperson ang walang humpay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Visayas at Mindanao.
Kabilang sa mga lungsod na matatagpuan sa southern Metro Manila ang Pasay, Paranaque, Las Pinas, Muntinlupa, Makati at Taguig.
