KALABOSO sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang nagpakilalang empleyado ng pamilya Marcos matapos mabisto ang “kumikitang kabuhayan” kaladkad ang pangalan ng First Family.
Kinilala ni CIDG chief Major Gen. Nicolas Torre III ang suspek sa pangalang Simeon Sander Dela Cruz.
Pag-amin ni Torre, totoong nagtrabaho ang suspek sa pamilyang Marcos. Gayunpaman, nilinaw ng heneral na hindi na konektado kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta si dela Cruz.
Ayon kay Torre, dinakip si Dela Cruz sa isang hotel sa Pasay City matapos bunsod ng impormasyon hinggil sa umano’y paggamit ng suspek sa pangalan ni Marcos at ng Unang Ginang sa mga iligal na transaksyon.
Sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, lumalabas na kumukuha ng kontrata sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno ang suspek para sa mga pribadong kontratista kapalit ng komisyong naglalaro mula tatlo hanggang limang porsyento kada transaksyon. (EDWIN MORENO)
