
Ni LILY REYES
MULI na namang nalagay sa balag ng alanganin ang isang koronel na una nang inireklamo ng ‘sextortion’ matapos lumutang ang isa pang babaeng biktimang kinunan ng video habang katalik ng nabanggit na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, lumalabas na isang empleyado ng pamahalaan ang 32-anyos na biktimang naglakas-loob lumantad para sampahan ng reklamong extortion.
Pag-amin ng pangalawang biktima ng manyakis na PNP Colonel, naging karelasyon ang hindi pinangalanang PNP official.
Sa salaysay ng biktima, pinutol na din niya diumano agad ang ugnayan sa nabanggit na PNP Colonel matapos mabisto ng misis ang kanilang relasyon. Kwento pa niya, binantaan din siya ng asawa ng kalaguyo na ilalantad ang mga sensitibong larawan at video kung hindi siya magbabayad sa umanoy na hiniram na pera sa mister nito.
“Malandi ka babae ka, Puntahan namin ang magulang mo,” saad sa pinadalang mensahe sa biktima.
Una na ring inireklamo ng sextortion ang naturang PNP colonel ng isang negosyanteng babae na nakarelasyon nito, matapos na ipadala ang kanilang naging pagtatalik sa anak na babae ng huli.
Dumulog na rin ang biktima kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at hiniling na ilagay ang colonel sa ‘restrictive custody.’
Sa kanyang liham kay Marbil na may petsang Abril 8, sinabi ng babae na dapat tanggalin ang opisyal sa serbisyo ng pulisya dahil hindi siya karapat-dapat na maging pulis.
Giit ng biktima, labis ang pagdurusa ng kanyang anak na babae at ayaw na rin umanong pumasok sa paaralan matapos na ipadala dito ng colonel ang kanyang sex video.