TULAD ng inaasahan, iwas-pusoy ang Kalihim ng kagawaran sa likod ng pagbebenta ng bigas na may bukbok na galing sa bodega ng National Food Authority (NFA).
Sa isang pahayag, iginiit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na wala siyang kinalaman sa paglalabas ng binubukbok na bigas sa Kadiwa ng Pangulo stall sa Cubao, Quezon City.
Katunayan aniya, ipinag-utos na niyang wag ilabas ang mga bulok na bigas pero napadpad pa rin ito sa Kadiwa outlet sa Cubao — “Iniimbestigahan bakit tinuloy ang benta when it was actually pina-stop iyong benta.”
Pagtitiyak ng Kalihim, “isolated case” lamang umano ang nangyari sa Kadiwa outlet sa Cubao.
“It’s an isolated incident but it’s a lesson for FTI and DA that we have to be more diligent in quality control. Don’t worry I’m on top of it, JLo (FTI president Joseph Rudolph Lo) is on top of it,” anang DA Secretary.
Tiniyak rin ni Laurel na mahigpit na ipinatutupad ang quality control measures para sa KNP Rice for All program. Para makasiguro, inatasan na umano niya ang mga eksperto NFA na turuan ang DA at FTI sa tamang protocol at ipatupad ang dobleng layer ng quality control.
