HINDI na dapat pahabain pa ang kalbaryo ng mga residente ng Metro Manila at karatig lalawigan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng direktiba sa bagong pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na tapusin sa lalong madaling panahon ang Metro Manila Subway Project at ang North-South Commuter Railway.
Sa isang press briefing sa Malacañang, inamin ni DOTr Vince Dizon na lubhang mabigat ang hamon ng Pangulo – ang solusyonan ang pesteng trapik sa kabisera.
“Iyong transportation araw-araw yan eh, parang nightmare na uulitin mo everyday and the President really feels the pain of our people. And that’s why the first thing he said ‘all these projects have to be fast tracked’,” wika ni Dizon.
Bukod sa subway at commuter railways, kasama rin umano sa tututukan ng DOTr ang mga regional airports at mga pantalan para mapalakas ang turismo, negosyo at sektor ng agrikultura upang bumaba ang presyo ng mga produktong agrikultura.
Kasama rin umano sa mga palalakasin ay mga proyektong nasa ilalim ng public-private partnership projects upang mabilis na matapos ang mga ito at mapakinabangan ng mga Pilipino.
