HINDI alintana ng 73-anyos na lolo ang mahinang tuhod at siksikan sa kahabaan ng Visayas Avenue sa Quezon City. Ang pakay — makabili ng murang bigas sa ilalim ng food security program ng pamahalaan.
Pero sa kasamaang palad, pumanaw ang senior citizen matapos araruhin ng isang pickup truck habang nakapila sa bangketa para bumili ng ₱20 kada kilong bigas, Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente sa harap ng gusali ng Bureau of Animal Industry (BAI), hindi kalayuan sa punong tanggapan ng Department of Agriculture.
Kwento ng mga saksi, sadyang maaga pumila ang mga tao para siguradong makakapag-uwi ng murang bigas na binebenta ng gobyerno. Anila, alas 6:00 ng umaga karaniwang nagsisimula magbenta ang ahensya.
Pagsapit ng dakong alas 3:45 ng madaling araw, bigla umanong umakyat sa bangketa ang itim na pickup truck na galing sa Elliptical Road at dire-diretsong sumalpok sa mga taong nakapila.
Dead on the spot ang senior citizen habang isinugod naman sa ospital ang isa pang biktima na nagtamo ng sugat. Nakatakbo naman palayo ang iba pa.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 6 ang driver ng pickup truck habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
