LAPNOS ang katawan ng mag-asawa matapos sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) na naging sanhi ng sunog sa dalawang palapag na bahay sa Quezon City kamakalawa ng madaling araw.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 2:10 ng madaling araw noong Biyernes (Marso 14) nang sumabog ang LPG habang nagluluto sa kusina ng bahay sa Barangay Central sa lungsod.
Makaraang sumabog, sinundan ng pagliyab ng apoy na umabot sa unang alarma. Agad naman naapula ng lupon ng pamatay sunog ang apoy dakong alas 2:43 ng madaling araw.
Isinugod sa pagamutan ang mag-asawa na nagtamo ng paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Inaalam pa ng arson investigators ang halaga ng mga natupok na ari-arian. (LILY REYES)
