
TINATAYANG aabot sa halagang P340 milyong droga ang kinumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa dalawang babaeng umano’y pasok sa kategorya ng big time drug dealer.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Biyernes ng madaling araw nang ikasa ng mga tauhan ng ahensya ang buy-bust operation sa South Green Heights Village, Barangay Putatan, sa lungsod ng Muntinlupa.
Kinilala lang sa pangalang Tita Joy at Liezel ang mga suspek.
Batay sa paunang ulat ng PDEA, naka repack sa vacuum-sealed ang 50 paketeng tumimbang sa isang kilo bawat isa ang nakuha ng mga operatiba sa mga suspek. Kapansin-pansin na pawang may label ng Côte d’Ivoire ang kahon, maleta at ecobag kung saan nakalagay ang droga.
Ang Côte d’Ivoire ay isang bansa sa West Africa. Higit na kilala ang naturang estado sa tawag na Ivory Coast.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek. (LILY REYES)