MATAPOS makapagtala ng pinakamaraming boto noong nakaraang halalan para sa posisyon ng senador, nangamote naman ngayon ang tinaguriang Bad Boy ng pelikulang Pilipino sa isinagawang performance survey sa mga miyembro ng Senado.
Batay sa resulta ng Pulso ng Pilipino survey, pumalo lang sa 28% ang gradong nakuha ni Sen. Robin Padilla – malayo sa 72% satisfaction rating na nasungkit ni Sen. Raffy Tulfo.
Pumangalawa naman kay Tulfo si Senadora Loren Legarda na may 67 percent, habang si Senate President Miguel Zubiri naman ang nasa ikatlong pwesto na may 63 percent.
Pasok din sa Top 10 sina Senador Imee Marcos (59%), Bong Go (59%), Francis Tolentino (56%), Risa Hontiveros (51%), Pia Cayetano (51%), Grace Poe (48%), Cynthia Villar (45%) at Ronald “Bato” dela Rosa (45%).
Sa survey na isinagawa noong June 20 hanggang 30 na nilahukan ng 1,200 respondent, nasa ika-16 na pwesto lang si Padilla na kilala sa mga kontrobersyal na pahayag kaugnay ng mga mainit na usapin sa bansa.