
DALAWANG sunog ang sumiklab sa dalawang lungsod sa Metro Manila, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa kalatas ng kawanihan, dakong alas 4:00 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa kahabaan ng Kalye Basilio sa Sampaloc, Maynila.
Umabot ang apoy sa ikalawang alarma bandang 4:39 ng madaling-araw at idineklarang fire under control matapos ang halos dalawang oras.
Bagamat walang nasawi o nasaktan, tiniyak ng BFP na patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.
Dakong alas 11:00 ng umaga naman nang bahagyang tupukin ng apoy ang isang pampublikong paaralan sa Bago Bantay, Quezon City.
Ayon sa BFP, nagsimula ang sunog sa San Francisco High School sa Misamis Street, hindi kalayuan sa isang sikat na shopping mall.
Itinaas sa ikalawang alarma ang sunog bandang 10:52 ng umaga at umabot pa sa ikatlong alarma. Idineklara naman ng mga bumbero ang fire under control bandang 12:00 ng tanghali.
Apektado ang ilang bahagi ng paaralan kabilang ang faculty room habang ligtas naman ang kalapit na mall dahil sa fire wall. (LILY REYES)