ARESTADO sa mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang itinuturong nagbakod at nangamkam sa isang bahagi ng protektadong kagubatan sa bayan ng Doña Remedios Trinidad sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ng PNP Highway Patrol Group, nadakip ang suspek na kinilalang si JJ Javier na wanted sa mahabang talaan ng atraso, kabilang ang estafa, robbery extortion at pagpapanggap na opisyal sa isang ahensya ng pamahalaan.
Kasalukuyang nakapiit si Javier sa Camp Crame.
Gayunpaman nilinaw ng pambansang pulisya na inaresto si Javier para sa ibang asunto matapos hulihin ng PNP-HPG sa paggamit ng blinker sa kahabaan ng Filipinas Avenue sa Paranaque City. Nang sitahin, napansin ng mga pulis na wala rin plaka ang SUV na sinasakyan ni Javier.
Dito na nagduda ang mga unipormadong PNP personnel na nagpasyang inspeksyunin ang pinarang sasakyan kung saan tumambad ang iba’t ibang kalibre ng armas, at mga pampasabog.
Habang sinasamsam ang mga armas at pampasabog, nagpakilala umanong Undersecretary sa Office of the President, kasabay ng banggit sa pangalan ni First Lady Liza Araneta Marcos.
Kasong resistance and disobedience to a person in authority, paggamit ng pekeng pangalan, obstruction of justice, pag-operate ng sasakyang walang plaka, illegal possession of firearms, at illegal possession of explosives ang nakatakdang isampa laban kay Javier.
Una nang lumutang ang pangalan ni Javier matapos ireklamo ng mga magbubukid mula sa bayan ng Doña Remedios Trinidad matapos bakuran ang kanilang lupang pagtatamnan. (EDWIN MORENO)
