ARESTADO sa isang pinagsanib na operasyon kontra illegal POGO ang hindi bababa sa 453 kataong huli sa akto habang nagsasagawa ng iba’t-ibang anyo ng cybercrime sa isang gusali sa Bay Area na sakop ng Parañaque City.
Katuwang ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice Office of Cybercrime (DOJ-OOC), sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang gusali sa bisa ng warrant mula sa husgado.
Kabilang umano sa target ng operasyon ang isang Chinese national na wanted sa kasong fraud.
Sa 453 arestadong indibidwal, 146 ang dayuhan – karamihan mga Chinese nationals, ayon kay PAOCC Spokesperson Director Winston Casio.
“Dalawang taon na raw silang nag-o-operate and they never stopped. Galing daw sila ng ASEANA. Nung medyo uminit daw doon, lumipat daw sila dito,” ani Casio.
Sa pagsusuri umano ng mga operatiba, nabisto rin umano ang iba’t-ibang anyo ng online panloloko na isinagawa sa naturang gusali.
“Bawat floor, iba-ibang scam. Sa fifth floor at seventh floor, stock investment scam. Pero ang pinagkaiba dito sa seventh floor, may spamming na nagaganap using a Hong Kong mobile,” ayon naman kay Innah Protacio-Ladislao ng DOJ-OOC.
“Sa sixth floor is an online betting scam. Particularly, target nila is Indian. Sa sixth floor, Filipino ang employees,” dugtong ni Protacio-Ladislao.
Narekober din sa naturang operasyon ang tinaguriang script sa pang i-scam.
Kabilang sa mga sinamsam ang daan-daang computer, laptop, smartphone, pre-registered SIM cards at iba pang gadgets.
Base sa mga nakalap na impormasyon, dati nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ang naturang kumpanya matapos salakayin. Gayunpaman, agad na nakapag-operate matapos makakuha ng bagong business permit gamit ang ibang pangalan.
“Dapat kasi before they issue yung permits nila, yung sa barangay, yung sa city hall, dapat they do yung talagang religious inspection of the establishment,” pahayag naman ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz. (LILY REYES)
