
MATAPOS mabulilyaso ang paglabas-masok ng isang ‘high-profile’ detainee na nakapiit sa custodial facility ng National Bureau of Investigation , ibiniyahe muna sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ang iba pang mga bilanggong nasa kustodiya ng naturang law enforcement agency.
Gayunpaman, nilinaw ng NBI na walang kinalaman sa nabistong paglabas-masok ng isang ‘high-profile’ detainee ang desisyon ng kawanihan. Anila, ang paglilipat ng mga detenido ay ginawa upang bigyang daan ang paggiba ng lumang NBI building para sa pagtatayo ng bagong gusali.
Pinangunahan nina BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. at NBI Director Medardo De Lemos ang simpleng seremonya para sa pagpapalitan ng simbolikong susi na ginanap sa tanggapan ng BuCor sa Muntinlupa City.
Una nang nagkaroon ng paglagda ng isang memorandum of agreement sa pagitan ng BuCor at NBI sa kung saan papayagan ng una ang paggamit ng mga pasilidad nito na magsisilbing pansamantalang lock up facility ng mga indibidwal na inaresto ng NBI.
Sa ilalim ng MOA, ang lahat ng taong nakakulong sa nasabing pasilidad ay mananatili sa ilalim ng pananagutan ng NBI alinsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon ng BuCor, na kinabibilangan ng mga pribilehiyo sa pagbisita na ibibigay ng NBI sa mga pamilya, kaibigan at abogado ng mga detenido.
Kabilang sa kasunduan na ang NBI ang responsable sa pagbibigay ng sarili nitong mga tauhan sa pagbabantay at pag-secure sa pasilidad at sa premises nito.
Kung may mga NBI detainees na dadalo sa mga pagdinig o ilalabas para sa medical check-up, nararapat na magkaroon ng maayos na koordinasyon dahil daraan sila sa mga checkpoint.
Sinabi ni Catapang na ang BuCor at NBI ay parehong ahensya sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) kaya’t maari silang tanggapin doon, at maging ang firing range ay papayagan ding ipagamit sa mga tauhan ng NBI.
Nasa pananagutan ng NBI ang pag-iingat ng kanilang mga detenido kabilang ang kanilang paglipat para dumalo sa mga pagdinig sa korte.
Nabatid naman sa NBI na hindi bababa sa limang taon ang inaasahang makumpleto ang pagtatayo ng bagong gusali ng NBI main headquarters.