
SABLAY ang isinagawang pagsalakay kamakailan ng Philippine National Police (PNP) sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Las Piñas City, ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla.
Partikular na tinukoy ni Remulla ang di umano’y kawalan ng koordinasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Interagency Council Against Trafficking (IACAT) sa ilalim ng Department of Justice (DOJ)..
Ayon kay Remulla, taliwas sa kasunduan sa pagitan ng DOJ at PNP ang isinagawang raid ng PNP-ACG, lalo pa aniya’t ang kanyang pinamumunuan ahensya ang hahawak ng kaso.
“Walang specific grounds para hulihin ang tao. Walang specific complainants…Basta raid lang, raid. Pumasok lang sila parang mangingisda,” wika ni Remulla.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit ini release ‘for preliminary investigation’ ng piskalya ang limang Chinese nationals na inaresto.
Sa 2,000 nalambat sa pagsalakay, nasa 1,100 pa ang nananatili sa naturang pasilidad sa Las Piñas habang napauwi na ang mga Pilipino at mga dayuhang walang visa.
Isasailalim naman sa visa cancellation ang mga inabiutang dayuhang may hawak na visa.
Para kay Remulla, napapanahon nang tuldukan ang kulturang ‘dakip muna bago ebidensya’ ng PNP.