
Ilan sa mga sunglasses na kinumpiska sa raid na isinagawa ng NBI
UMAABOT sa P2.5 bilyong halaga ng pekeng signature sunglasses at iba pang paninda ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga tindahan at bodega sa Maynila.
Sa ulat, nagreklamo ang dalawang kompanya nang mapag-alaman nilang pinipeke ang kanilang mga produkto.
“Ang sinasabi nitong mga nagbebenta ng fake items na ito na protektado rin yung kanilang mga mata dahil meron itong UV protection, pero sa totoo lang wala po. Hindi [ito] kagaya ng original na eyewear, guaranteed ang ultraviolet protection,” pahayag ni NBI-NCR Assistant Regional Director Joel Tovera.
Samantala, nasabat din ng NBI Intellectual Property Rights Division ang mahigit 3,000 pares ng pekeng sandalyas sa isang warehouse sa Tondo, Manila.
Ayon sa NBI, ang reklamo ay inihain ng isang Filipino company nang madiskubre nilang ang kanilang mga produkto ay kinokopya ng China at ibinibenta sa bansa sa mas murang halaga.
“Ang estilo nitong grupo na to ang bentahan nila is through online. Nawawalan ng trabaho yung iba dahil nga sa pagkalugi ng mga Filipino company na’to, naaapektuhan yung income nila,” ani NBI-IRPD executive officer John Ignacio.
Ang mga indibidwal na responsable sa produksyon ng pekeng produkto ay sasampahan ng kasong paglabag sa
Intellectual Property Code, habang ang mga produktong nasamsam ay sisirain naman sa pag-apruba ng korte.