SA gitna ng kabi-kabilang karamdamang dulot ng pabago-bagong panahon, nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na isulong ang paggamit ng bisikleta bilang alternatibong transportasyon.
Kasabay ng pagdiriwang ng World Bicycle Day, hinikayat ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko na balikan ang aniya’y ‘fundamental health regimen’ – ang ehersisyo.
“Biking is a simple yet effective form of exercise and helps in reducing the levels of pollution in the country,” wika ni Herbosa sa kanyang mensahe sa dinaluhang Pedal for a Sustainable Future – A World Bicycle Day Celebration” event sa Taguig City.
Inilunsad din ng DOH ang Active Transport Playbook na may pondong P1,150,000 para sa promosyon nito, upang isulong ang pagbibisikleta at maging ang paglalakad bilang epektibong paraan para maiwasan ang mahawa ng mga ‘non-communicable disease’ sa mga pampublikong transportasyon.
“If Taguig can do this, I challenge every city to encourage and support biking both as an alternative mode of transportation and as a means to reduce pollution in the country,” dagdag ni Herbosa.
Ang World Bicycle Day ay inilunsad ng United Nations General Assembly noong 2018, na isinusulong ang paggamit ng bisikleta para burahin ang kahirapan, pagpapalakas ng edukasyon lalo na ang physical educaiton sa mga bata at kabataan, kalusugan, paglaban sa sakit, social inclusion at kultura ng kapayaan.