PASPASAN na ang ginagawang preparasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) katuwang ang ibang ahensya para sa taunang Metro Manila Film Festival Parade of Stars na gaganapin sa Disyembre 19, sa Makati City.
Sa City Council Meeting sa Diamond Hotel sa Maynila, pinangunahan ng MMDA at Metro Manila Mayors ang pag-anunsyo ng itinuturing na pinakamasaya at magarbong festival ng Pelikulang Pilipino tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, magsisimula ang parada ng alas-2:00 ng hapon at magtatagal hanggang alas-sais ng gabi.
Magsisimula ang pagsasaayos ng mga float ng walong kalahok na pelikula sa Macapagal Blvd. na dadaluhan ng 50 mga artista.
Mula sa nasabing lugar, kakanan ang parada sa Buendia, kanan ng Ayala Ave., kaliwa ng Makati Ave., kaliwa ng Rizal, kanan ng Pasong Tamo at diretso ng Makati circuit kung saan magaganap ang mga programa.
Magtatapos naman anila ang parada ng isang masayang konsyerto. (JULIET PACOT)
