WAPAKELS. Ganito ang naging tugon ni Manila Mayor Isko Moreno matapos sampahan ng ng patong-patong na kaso kaugnay ng pagkasibak ng kapatid ni former Manila Mayor Honey Lacuna bilang kinatawan ng Liga ng mga Barangay sa konseho ng lungsod.
Batay sa inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman ni Dr. Leilani Lacuna, lumabag umano si Moreno sa anti-graft and corrupt practices act.
Pero sa halip na tumugon, ibinaling ng alkalde ang pagiging punong abala sa pagbisita ng pambato ng Pilipinas na si Miss Universe 3rd Runner-Up Ahtisa Manalo sa tanggapan ng alkalde.
Mainit tinanggap ng mga empleyado ng Manila City Hall ang beauty queen na pinagkaguluhan pagbaba pa lamang ng kanyang sasakyan.
Nag-ugat ang reklamo nang matanggal sa konseho si Dr. Lacuna at ang ilang board members ng Liga ng mga Barangay na pinamumunuan ng kapatid ng dating alkalde.
Naghain na rin ng petisyon ang kampo ni Dr. Lacuna kamakailan sa Manila Regional Trial Court para mapawalang-bisa ang eleksyon at manatili sa kani-kanilang pwesto.
Samantala, nanindigan si Moreno laban sa paratang ni Dr. Lacuna.
Ayon kay Mayor Isko, desisyon ng nakararami ang pagkakatanggal ni Dr. Lacuna. Katunayan aniya, 844 sa kabuuang 896 barangay chairman sa lungsod ang lumagda para ilaglag ang doktorang kapatid ng talunang ex-mayor. (JULIET PACOT)
