
TATLONG araw matapos matagpuan walang buhay ang isang koronel sa tinutuluyang quarter sa loob ng Camp Aguinaldo, inamin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na posibleng may foul play sa pagkamatay ni Col. Rolando Escalona Jr.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Col. France Margareth Padilla na tumatayong tagapagsalita ng sandatahang lakas ang pag-arangkada ng mas malalim na imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.
Ani Padilla, may isang tama ng bala si Escalona nang matagpuan sa tinutuluyang quarter sa loob ng kampo ng militar sa Quezon City. Hindi tinukoy ni Padilla kung anong bahagi ng katawan ni Escalona ang may tama ng bala.
Narekober din ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa crime scene ang baril na agad na isinailalim sa pagsusuri ng mga eksperto.
“As to the nature and progress of the investigation, the AFP requested that we just keep it under wraps hangga’t ongoing pa po yung investigation,” pahayag ni Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP.
“Let us wait for the culmination and completion ng investigation po with respect to the death ng isang senior officer ng AFP counterpart. Out of respect to our counterparts who requested to conduct the investigation in private, but we are in constant communication with them,” dagdag pa niya.
Kabilang si Escalona sa Judge Advocate General’s Service na nagsisilbing legal counsel ng AFP.