
SA gitna ng agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian, ibinunyag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang ikinasang imbestigasyon hinggil sa di umano’y naganap na pandurugas sa Emergency Allowance na nakalaan sa mga healthcare workers sa panahon ng pandemya.
Sa pagdinig ng Committee on Health, partikular na tinukoy ni DOH Undersecretary Achilles Bravo ang ilang mayor na di umano’y namburiki ng pondo katumbas ng serbisyo at sakripisyo ng mga tinaguriang frontliners na sumagupa sa nakamamatay na COVID-19.
Pag-amin ni Bravo, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa mga healthcare workers na pinagkaitan ng Health Emergency Allowance (HEA) na pinadaan ng DOH sa mga lokal na pamahalaan.
“We have also received informal complaints na yung mga HEA na received ng mga local governments, like for example 50,000 yung natanggap ng beneficiary, ang binibigay lang ng mayor is only 30 to 40K. Binubulsa yung 10,000,” wika ni Bravo.
Panawagan naman sa DOH ni Senador Bong Go na tumatayong chairman ng naturang komite, imbestigahan ang aniya’y hindi katanggap-tanggap na katampalasan ng mga lokal na opisyal na ginawang gatasan ang mga healthcare workers.
“Dapat imbestigahan ng DOH yan since you are the one who released the funds.”
Bukod sa pambuburiki ng allowance, meron din mga mayor na inireklamo ng mga healthcare workers na walang natanggap na allowance “maski piso.”
“We have also received informal complaints that the money that we have released to the different regional offices and to the local government units, natanggap na ng LGUs, ayaw ibigay ng mga mayors. Kasi gusto nila, kasi ang HEA is exclusively for health workers, gusto nila isama yung mga BJMP, pulis, pulis na bibigyan sa HEA. Which should not be the case,” ani Bravo.
“Health workers lang [dapat]. but Gusto ng mga mayor, bakit ang health workers lang daw bigyan, ang mga pulis kasama naman daw sa implementation sa Covid. But we informally told them that hindi pwede. Kung sino yung beneficiary, nakasaad sa health workers, dapat yun ang bayaran,” dagdag pa niya.
Sa datos na ipinrisinta ni Bravo, naglabas na ang DOH ng P27 bilyong halaga ng HEA para sa mga healthcare worker. Mula Mayo 14 hanggang Nobyembre 5 ng taong ito, umabot sa P5.3 bilyon ang request para sa reconsideration ng HEA.
Hirit ni Bravo kay Go, tulungan ang DOH na madagdagan ng P5.3 bilyon ang 2025 budget ng kagawaran para sa tinaguriang bayani noong panahon ng pandemya.