HINDI na nagawa pang hintayin ng mga operator, tsuper at kundoktor ng mga bus na biyaheng probinsya ang tugon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa tinaguriang mega oil price hike na dulot ng sigalot sa Middle East.
Anang mga netizens, nagpataw ng P14 na dagdag ang pamasahe para sa byaheng Bulacan hanggang Divisoria — kahit walang permiso mula sa LTFRB.
“Medyo nagulat kami… imagine from P85, P99 na ang sinisingil nila sa direktang ruta mula sa amin hanggang sa Divisoria,” anang netizen na aminadong walang magawa kundi magbayad ng husto.
Umani naman ng samu’t-saring reaksyon ang naturang post sa Facebook.
“Wala naman kaming magawa kaya sumunod na lang kaysa maglakad papuntang Maynila,” himutok ng commuter.
Iginiit naman ng mga tsuper and kundoktor na napag-utusan lamang sila ng bus company na kanilang pinagtatrabahuhan — “Mataas na kasi presyo ng krudo.”
Una nang kinumpirma ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang napipintong pagpapatupad ng dagdag-pasahe bunsod ng epekto sa bansa ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
