ILANG araw matapos pakikipagbuno sa kamatayan, tuluyan nang pumanaw ang 31-anyos na operatibang binaril sa ulo ng isang notoryus na tulak ng droga, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagdadalamhati si PDEA director general Undersecretary Isagani Nerez sa pagyao ni Intelligence Officer Raffy Escobido na nakatalaga sa PDEA Regional Office IV-A Regional Special Enforcement Team 2.
Araw ng Linggo nang ikasa ng PDEA ang isang buy-bust operation sa Calamba, Laguna. Gayunpaman, agad na nahalata ng hindi pinangalanang suspek na operatiba ang ka-transaksyon sa binebentang droga.
Sa datos ng ahensya, miyembro ng Drug Enforcement Officers’ Basic Course (DEOBC) Class 2017-11 “Gandilan” Academy ang pumanaw na operatiba.
Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng PDEA laban sa mga suspek na tumakas sakay ng kulay abong kotse na may plakang NIN-5940.
“PDEA will make sure that Escobido’s death will not be in vain. We will remain unfaltering on the ideals he died for. This will only heighten our resolve to pursue every member of the illegal drugs industry. For those behind this dastardly act, we will not rest until you face the full force of the law,” garantiya ng PDEA chief. (LILY REYES)
