MULA sa pagiging tagapagbalita, laman na ngayon ng mga pahayagan ang isang dating peryodista matapos katayin ng kaibigang negosyante sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, agaw-buhay nang matagpuan ang 68-anyos na si Norberto “Bert” Javier sa loob ng isang tindahan sa Sitio Wawa, Barangay San Rafael ng nabanggit na bayan. Dating reporter ng Manila Bulletin si Javier.
Agad naman nadakip ang negosyanteng suspek na kinilala sa pangalang Victor Enavia sa isang follow-up operation batay na rin sa impormasyong nakalap mula sa mga testigo. Si Enavia ang may-ari ng tindahan kung saan karaniwang nag-iinuman ang mga tanod — kabilang ang retiradong mamamahayag.
Kwento ng isang saksi, nauwi sa pananaga ang pagtatalo sa pagitan ng suspek at biktima. Pagkatapos ng krimen, mabilis na tumakas si Enavia.
Agad na itinawag ang insidente sa mga pulis na dali-dali namang isinugod ang biktima sa isang pampublikong pagamutan kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Patuloy na isinasailalim sa interogasyon ang negosyanteng suspek sa hangaring alamin ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen. (EDWIN MORENO)
