
KALABOSO ang kinahantungan ng isang 37-anyos na janitress na nag-iikot sa pagamutan suot ang ninakaw na uniporme ng doktor sa hangaring nakawan ang mga abalang manggagamot sa emergency room ng East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Sa paunang ulat ni Chief Master Sgt. June Abogado, arestado ang suspek na kinilala sa pangalang Miriam May Taboco matapos mabisto ang pagpapanggap bilang “Dr. Jacinto.”
Ayon sa pulisya, suot pa ng suspek ang unipormeng kalaunan ay napag-alamang ninakaw sa tunay na Dr. Jacinto. Nakuha rin sa pag-iingat ni Taboco ang mga ninakaw sa tatlong tunay na doktor – wallet na may lamang pera, ATM Card, MacBook laptop, medicine bag at iba pang personal na pag-aari nina Dr. Jhanella Marie Canoza De Leon,Dr. Jezza Anne Melecio Jacinto, at Dr. Allyson Sel – Ayen Walsi I-En.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso.
Samantala, umani naman ng paghanga mula sa pamunuan at mga medical staff ng East Avenue Medical Center ang QCPD na alertong nakaantabay sa nasabing ospital. (LILY REYES)