
SA sandaling simulan ng pamahalaan ang proyektong North South Commuter Railway (NSCR), hindi muna papasada ang Philippine National Railways (PNR), ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation.
Sa pahayag ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez, limang taon ang inaasahang tigil-operasyon sa hangaring mapabilis ang paggawa ng 163-kilometerong NSCR project na magdurugtong sa Central Luzon, Laguna at National Capital Region.
Pinawi naman PNP general manager Jeremy Regino ang agam-agam ng libo-libong pasaherong apektado sa 5-taong tigil operasyon ng murang transportasyon patungo at pauwi sa trabaho.
Ayon kay Regino, nakikipag-ugnayan na umano ang PNR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pagbalangkas ng solusyon sa napipintong tigil-operasyon sa susunod na taon.
Aniya, isa sa nakikitang solusyon ang paglilipat ng pasahero sa mga lilikhaing karagdagang ruta ng mga bus at jeep na magsisilbing alternatibong transportasyon.
Bukod sa nakaambang kakapusan ng masasakyan, kabilang rin sa pinag-aaralan ng ahensya ang relokasyon ng mga informal settlers na tatamaan ng mga itatayong biga, viaduct at bagong riles.
“Masusi po kaming nakikipagkonsultasyon sa LTFRB at mga local governments para maibsan po yung pasan po ng PNR sa ating mga pasahero po,” ani Regino.
“But mga bagong pinag-aaralan po ng LTFRB na bagong, magbubukas po ng alternative buses for our passengers. Sa mga ibang ruta, magkakaroon ng alternative jeeps.”
Nang tanungin kung kailan magsisimula ang tigil-pasada, nagpahiwatig ang PNR official na posibleng mas maaga – pero “partial stoppage” muna.
“Ang mangyayari po dito, pinag-aaralan pa po natin kung hihinto po tayo ng operasyon Manila-Calamba, or magkakaroon muna tayo ng mga partial o segmental stoppage of operations. Mauuna po ang Alabang to Calamba, at pagkatapos po nyan ay Tutuban to Alabang,”
Wala rin di umanong dahilan para mangaba ang mga pasaherong aabisuhan muna bago ang pinangangambahang tigil-operasyon.