
HINDI pa man nagtatagal mula nang makalabas sa National Center for Mental Health (NCMH) kaugnay ng problema sa pag-iisip, isang engineering student ang natagpuang nakabigti at walang buhay sa tinutuluyang tahanan sa Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 4:45 ng madaling araw (Pebrero 15), nang madiskubre ang nakabigting katawan ng dalagang itinago sa pangalang Christine sa garahe ng bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Cpl Jordan Barbado, hindi sinasadyang natanaw ng isang kapitbahay ang nakabigting biktima sa garahe – hudyat para kalampagin sa mahimbing na pagtulog ang pamilya ng nakabigting dalaga.
Nang magising ang pamilya, magkatuwang na ibinaba ang biktimang agad na isinugod sa Bernardo General Hospital kung saan siya idineklarang patay dakong alas 5:11 ng umaga.
Narekober naman sa lugar ng pinangyarihan ang isang suicide note.
Pag-amin ng pamilya ni Christine, nagtangka na rin magpakamatay ang biktima noong Abril ng nakaraang taon.