WALANG dahilan para mangamba ang nasa 60,000 motorcycle riders sa di umano’y napipintong mass lay-off bunsod ng kabiguan ng Kongreso pagtibayin ang panukalang batas sa legalisasyon ng motorcycle taxi.
Ito ang tiniyak ni Senador Grace Poe kaugnay ng kumakalat na balita hinggil sa posibleng sibakan sa hanay ng mga angkas riders dahil na rin sa banta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na motorcycle taxi sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.
Aniya, hindi maikakaila ang ambag ng motorcycle taxi sa gitna ng aniya’y kawalan ng mahusay na sistema sa sektor ng public transportation at sobrang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa mga urban areas.
“Nasa LTFRB naman talaga ang deadline kung itutuloy nila ito o hindi. Pwede naman silang magkaroon ng extension pending the passage of the bill. Sila naman yung pumapayag dyan,” aniya.
“Kung kailangan nila ng Senate resolution mula sa amin para meron silang legal cover, pwede naman naming gawin ‘yan. Iyong resolution ay pinipirmahan ng mga senador para sabihin na suportado namin ang extension habang ang panukalang batas ay aming sinusuri,” dagdag niya.
Matagal nang sinimulan ni Poe ang pagdinig sa motorcycle-for-hire bills noong siya pa ang chairperson ng Senate committee on public services.
Para kay Poe, mahalaga ang motorcycle taxi bilang ligtas at maaasahan uri ng transportasyon na nagbibigay ng hanapbuhay sa libong riders.
“Sa mga kababayan, huwag po kayong mag-alala sapagkat napaka-importante nitong serbisyo na ito ng mga motorcycles for hire, at hindi ito dapat itigil ng LTFRB dahil lang hindi pa naipapasa ang batas,” ani Poe.
Sinabi ni Poe na nagtapos ang test run para sa regulated motorcycle taxi at courier operations na ginamit na basehan upang palakasin ang panukalang batas.
Una nang nagbabala ang LTFRB na magiging iligal ang motorcycle taxis sa sandaling matapos ang 19th Congress nang walang kaukulang batas.
Ayon kay Poe, kailangan ng isang komprehensibong batas na sumasakop sa pangunahing aspeto ng motorcycle taxi operations tulad ng licenses, vehicle specifications, discounts, insurance, safety regulations, atbp.
“We need to be very specific and comprehensive with this law to ensure we will have a smooth rollout,” aniya.
“Huwag matatakot ang ating mga kababayan, ang ating mga pasahero o kaya ‘yung mga providers nito dahil habang itong batas na ito ay ating binabalangkas, tuloy-tuloy pa rin po ang kanilang pamamasada at paggamit nitong mga apps na ito para hindi naman mawala ng transportasyon ang ating mga kababayan,” dagdag ni Poe. (Estong Reyes)
