SA gitna ng agresibong kampanya ng gobyerno laban sa pananatili ng offshore gaming operations sa bansa, kalaboso ang 32 dayuhan matapos salakayin ng mga operatiba ang isang illegal POGO hub sa lungsod ng Parañaque.
Ayon kay Bureau of Immigration intelligence division chief Fortunato Manahan Jr., huli sa akto ang mga hindi pinangalanang foreign nationals habang aktuwal na nagsasagawa ng scamming operations sa isang gusali sa Aseana enclave sa nasabing lungsod.
Kabilang sa mga nadakip sa pagsalakay ng pinagsanib ng pwersa ng BI at National Bureau of Investigation ang 20 Chinese nationals, 11 Malaysians, at isang Cambodian.
“Maging babala ito sa mga dayuhang mamamayan na tahasang nagpapatuloy sa ilegal na operasyon sa kabila ng pagbabawal ng Pangulo. Hindi kami titigil hangga’t hindi nahuhuli at nade-deport ang lahat ng ilegal na dayuhan,” wika ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Nasa ilalim ng hustodiya ng BI ang mga dayuhang suspek para sa napipintong deportation.
