
Ni LILY REYES
PATONG-patong na kaso ang isinampa laban sa isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong kuhanan ng video ang kanyang pakikipagtalik sa babaeng nakarelasyon.
Higit pa sa pagkuha ng aktwal na pakikipagtalik, tinangka pa di umano ng hindi pinangalanang police colonel na nakatalaga sa Camp Crame ipadala sa asawa at anak ng nakarelasyon ang video na naglalaman ng mga mahalay na tagpo.
Kabilang sa mga kasong inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa 52-anyos na police colonel ang reklamong paglabag sa Data Privacy Act of 2012, Cybercrime Prevention Act of 2012, Safe Spaces Act, unjust vexation, online libel at grave coercion.
Batay sa salaysay ng negosyanteng biktima, Disyembre ng taong 2020 nang makilala niya ang suspek sa Facebook. Nagkataon naman aniyang may problema siya sa kanyang asawa — bagay na sinamantala di umano ng police colonel na nagpakilala pang Attache Diplomat sa Pakistan.
Nang tanungin di umano ng suspek kung ano ang kanyang pinagkakaabalahan, sinabi niyang meron siyang patahiang gumagawa ng PNP uniform. Nagpagawa di umano ang Colonel ng name plate hanggang sa mapalagay ang loob ng biktima sa naturang opisyal.
Pagtatapat ng biktima, nagtiwala siya sa Colonel dahil sa madalas na pagbigkas ng mga salita ng Diyos sa tuwing kausap. Nang sumunod na pagkikita nila, dinala umano ng Colonel ang biktima sa isang hotel.
Nadiskubre ng biktima na inirerekord ng Colonel ang kanilang pagtatalik sa cell phone kaya inagaw niya ito pero nagalit ang opisyal at sinabing siya na lang ang magbubura.
Sa buong taon ng 2021, makailang beses pa umano silang nagkita ng Colonel at doon nagsimula ang pananakot at pagbabanta hanggang sa ipadala ang sex video nila ng biktima sa asawa at anak nito.
Sa sobrang takot at kahihiyan, naisipan niya umano magpakamatay ngunit napigilan ng kanyang asawa’t anak na pinili siyang pakinggan at unawain.