
KALABOSO ang isang bagitong pulis na hinihinalang lasing matapos magpaputok ng baril sa harap ng isang resto bar sa Quezon City Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si alyas “Patrolman Castro,” 25-anyos, may asawa, nakatalaga sa Headquarters Support Service sa Camp Crame at nakatira sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Cubao Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas 3:44 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa harap ng Padi’s Point Restobar sa panulukan ng Imperial Street at Aurora Boulevard sa Barangay E. Rodriguez, Cubao, sa nabanggit na lungsod.
Bandang alas-10 ng gabi ng Oktubre 3 nang pumasok sa nabanggit na resto bar ang pulis kasama ang dalawang iba pa.
Iniwan naman ng pulis ang kanyang baril sa duty bouncer sa labas ng restobar.
Makalipas ang limang oras, lumabas ang pulis at kinuha sa duty bouncer ang kanyang service firearm at dalawang beses nagpaputok ng baril sa lupa.
Agad na humingi ng responde ang establisyemento at inaresto nina Pat. Mohammad Naif Adil at Pat Jess Piglay ang kabaro.
Kinumpiska sa pulis ang service firearm na isang Taurus TS9 cal. 9mm, tatlong magazine, 33 piraso ng 9mm live ammunitions habang nasamsam naman sa lugar ang mga basyo bala.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung may nakaalitan ang pulis sa loob ng nasabing resto bar kaya lumabas at saka nagpaputok ng baril.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Art. 254 of RPC (Illegal Discharge of Firearm) laban sa pulis. (LILY REYES)