SA halip na harapin ang kasong pang-aabuso sa menor de edad, pinili ng isang konsehal ng lungsod ng Maynila bweltahan ang radio reporter na naglabas ng ulat.
Sa isang pahayag, kinondena ng National Press Club (NPC) at maging ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) ang pag-aresto kay DZRH reporter Misael Boy Gonzales Jr. matapos ilabas ang balita sa kasong kinakaharap ni Manila City Councilor Rosalino Ibay Jr.
Ayon sa NPC at NUJP, malinaw na pag-abuso sa batas ang pagsasampa ng kaso ni Ibay laban kay Gonzalez na dinampot sa labas ng punong tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ng mga kabaro ng konsehal sa Manila Police District. Dating pulis si Ibay.
Batay sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, inaresto si Gonzales dahil sa umano’y paglabag sa Data Privacy Act nang ireport ang detalye ng arrest warrant laban kay Ibay na nahaharap sa alegasyong pang-aabuso sa isang hindi pinangalanang menor de edad.
Sabi ng NUJP, isang usaping may malaking interes sa publiko ang kaso laban kay Ibay lalo na’t isa halal na opisyal ng lokal na pamahalaan.
Giit ng NUJP, trabaho ng mga mamamahayag magbalita, kasabay ng giit na hindi krimen ang maglabas ng katotohanan lalo pa’t may dokumentadong basehan.
Iginiit din ng organisasyon na hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ang Data Privacy Act sa panggigipit sa media. Panawagan ng grupo, ibasura ang kaso laban sa beteranong reporter.
Samantala, kinondena rin ng Justice Reporters Organization (JUROR) ang pag-aresto kay Gonzales at binigyang-diin na nakabase ang ulat sa mga opisyal na dokumento ng korte.
Ibinabatay anila ng mga nagko-cover ng justice beat sa mga opisyal na dokumento, court filings at beripikadong rekord ang mga inilalabas na balita upang ipabatid sa publiko ang mahahalagang impormasyon.
Hirit ng JUROR sa mga awtoridad, tiyaking nasusunod ang due process at proteksyon alinsunod sa probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution.
Nakabinbin sa Manila City Regional Trial Court ang kasong pang-aabuso ni Ibay sa menor de edad.
