
Ni Lily Reyes
KALABOSO ang kinahinatnan ng isang delivery rider na suma-sideline bilang gunrunner sa isinagawang buy-bust operation na ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District.
Kinilala ang suspek na si Mark Anthony Montelibano, 44-anyos, residente ng Block 70 Lot 39, Amarillo St., Barangay Rizal, Taguig City.
Sa imbestigasyon ni Cpl Nestor Ariz, Jr., ng CIDU-QCPD, nadakip ang suspek bandang 9:00 ng gabi sa Flying V Gasoline Station sa panulukan ng 15th Ave. at P. Tuazon, Barangay E. Rodriguez Sr., Cubao, Quezon City.
Ayon kay QCPD-CIDU chief Maj. Don Don Llapitan, Nobyembre 18 nang makatanggap ang kanyang tanggapan ng isang impormasyon kaugnay ng di umano’y bentahan ng droga at baril – hudyat para bumuo ng isang surveillance team na inatasan magkunwaring bibili ng armas sa suspek.
Sa pangunguna ni Capt. Armando Peñaflor, Jr., PMSg Briones, PSMS Abuyog, PMSg Blasco, PSSg Nano, PSSg Potoy, PCpl Baloyo, PCpl Salamanque at Pat Soria, ikinasa ang buy-bust operation kung saan nadakma ang rider na si Montelibano.
Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 at motorsiklong pinaniniwalaang gamit sa mga ilegal na transaksyon.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act) ang isinampa laban kay Montelibano.