
PATAY ang dating alkalde ng bayan ng Cateel sa Davao Oriental matapos barilin sa harap ng fast food restaurant sa Barangay Buhangin Proper, Davao City, Miyerkoles ng umaga.
Limang bala ang tumama sa katawan ni Giselo Castillones, 67, alkalde ng Cateel noong 1980s at idineklarang patay sa Southern Philippines Medical Center, ayon kay Davao City police spokesperson Capt. Hazel Tuazon.
Sugatan din ang driver nito na si Junie Castro.
Ligtas naman ang kasama nilang babae na nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan.
Galing ang mga biktima sa fast food chain at pabalik na sa kanilang SUV nang sumulpot ang mga suspect sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima.
Nabawi ng pulisya ang limang cartridge ng.45 caliber pistol sa crime scene.
Agad namang nagsagawa ng checkpoint sa iba’t ibang panig ng siyudad upang madakip ang mga nakatakas na suspect.