Ni Lily Reyes
ANUMANG oras mula ngayon, posibleng itaas sa Alert Level 2 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Kanlaon Volcano matapos magtala ng pagtaas ng seismic activities tulad ng gas emissions.
Ayon kay Phivolcs director Teresito Bacolcol, inilabas na ng naturang ahensya ang notice kasunod ng pinakahuling datos ng Kanlaon Volcano Network (KVN) na nagpakita ng kabuuang 15 volcano-tectonic earthquakes na naitala sa pagitan ng 3:58 am at 5 am nito lamang nakalipas na Miyerkules.
“Should the above uptrend in monitoring parameters persist, the volcano status may be raised to Alert Level 2 to warn of increasing unrest,” pahayag ni Bacolcol.
Aniya, ang mga pagyanig ay may lakas mula sa magnitude 1.4 hanggang magnitude 4.2 at naganap sa lalim na zero hanggang dalawang kilometro sa hilagang bahagi ng Kanlaon.
Gayundin, ang sulfur dioxide (SO2) gas emission mula sa summit crater ng bulkan ay tumaas mula noong Mayo 1, 2023, na may average na 570 tonelada kada araw mula sa pinakahuling pagsukat ng SO2 noong Nobyembre 14 sa 1,017 tonelada/ araw.
Pinagbawalan na rin ang publiko pumasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa posibleng biglaan at mapanganib na phreatic eruptions.
Pinayuhan din ang civil aviation na iwasan ang paglipad ng mga eroplano sa tuktok ng bulkan.