PATAY na nang matagpuan ang 55-anyos na security guard na sinasabing tinuklaw umano ng ahas sa loob ng kaniyang bahay sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City Huwebes ng madaling araw.
Ang biktima ay nakilalang si Jonathan Bandolos Sanao, 55, may asawa, security guard at nakatira sa No 30, Wisdom St, Brgy Bahay Toro, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6 Police Station 15, bandang alas-2:00 ng madaling araw (November 2), nang matagpuan ang bangkay ng guwardiya sa loob ng kanilang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Efren Jr F Villafranca, nanghiram umano ng bolo ang biktima sa kasamahang sikyo dahil may nakita umano itong ahas sa kanilang banyo. Pero natagpuan na lamang ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay sa loob ng banyo ng kaniyang bahay na hinihinalang natuklaw ng ahas.
Isinasailalim pa sa awtopsiya kung ang tuklaw ng ahas ang sanhi ng ikinamatay ng naturang biktima.