
Photo courtesy: Police Drug Enforcement Group
ARESTADO ang isang 30-anyos na Bolivian national sa tangkang pagpasok sa bansa ng P47 milyong halaga ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) ngayong Huwebes ang suspect na si Robert Lavadenz Alvarez, Bolivian national at pasahero ng Ethiopian Airline Flight ET644 mula Addis Ababa, Ethiopia.
Si Alvarez ay inaresto sa “interdiction operation” na isinagawa sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City bandang alas-8:40 ng gabi noong Oktubre 31.
Nakuha sa kanya ang 8,999.11 gramo ng cocaine na tinataya sa P47,695,283, ang halaga, Bolivian passport, dalawang ET boarding passes; Customs baggage declaration form; Bolivian National ID card; at cellular phone.
Ang nakumpiskang kontrabando ay sinamsam habang haharap naman sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, or the Comprehensive Drug Act of 2002, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act ang suspect.