Ni Lily Reyes
PATUNG-PATONG na asunto ang inihain ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) matapos na magwala at mamaril sa isang restobar sa lungsod nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay QCPD chief Brig. Gen. Redrico Maranan, nahaharap sa mga kasong illegal discharge of firearms, physical injury, slander by deed at disobedience upon a person in authority ang suspek na si Lt. Col. Mark Julio Abong.
Pasok rin sa mga isinampang demanda sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Abong ang paglabag sa umiiral na gun ban na may bisa hanggang sa Nobyembre 29 ng kasalukuyang taon.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, walang habas na nagpaputok ng baril si Abong sa Ralyoz Drinkery Lounge Bar na matatagpuan sa panulukan ng Sct. Rallos at Tobias Sts. sa Barangay Laging Handa matapos makaalitan ang isang kostumer sa nasabing establisimyento.
Kabilang rin sa mga nagsampa ng reklamo laban kay Abong ang waiter na di umano’y sinaktan ng police official na kasalukuyang nakapiit sa CIDU na kanyang dating pinamumunuan.
“Naifile na natin kahapon ang ibat ibang kaso laban kay Lt. Col. Abong before the Quezon City Prosecutor’s Office. The duty Inquest Prosecutor evaluated the pieces of evidence presented,” pahayag ni Maranan.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang QCPD ay lubos na nagpapatupad ng batas kahit sino pa man ang sangkot. Hindi namin kinukunsinti ang mga maling gawain sa PNP,” dagdag pa ng QCPD chief.
Agosto ng nakalipas na taon nang sibakin si Abong bilang CIDU chief kaugnay ng insidente ng hit-and-run na ikinamatay ng isang tricycle driver.
Nito lamang nakaraang Marso, tuluyang ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa serbisyo si Abong na napatunayang nagkasala.
Gayunpaman, pansamantalang itinalaga ang naturang opisyal sa PNP-Legal Service Office na nakabase sa Camp Crame habang hinihintay ang paglabas ng dismissal order mula sa National Police Commission (NAPOLCOM).